Eulogy of His Excellency Benigno S. Aquino III President of the Philippines In honor of the late
Secretary of the Interior and Local Government Jesse M. Robredo
[Delivered at the Basilica Minore de Nuestra SeƱora de PeƱafrancia, Naga City, on August 28, 2012]
Bilang kawani ng gobyerno, tanggap na po dapat natin: Darating ang araw na bababa rin tayo sa puwesto—sa madaling salita, magreretiro. Ngayon pa lang po, nai-imagine ko nang magkikita-kita tayo sa isang restaurant nang may kani-kaniyang senior citizen card na nakasilid sa pitaka. Magkakainan tayo, magtatawanan, at pagkukuwentuhan kung ano ang mga pinagdaanan namin. Kung ano ang mga nagawa natin.
Hindi na po makakasama si Jesse sa mga kuwentuhang iyon. Hindi na po natin makakabiruan si Jesse tungkol sa pagkilatis sa mga manliligaw ng anak niya, at sa mga susunod pong taon, wala na rin siya para makipaglaro sa mga magiging apo niya.
Hindi madaling tanggapin ang biglaang pagkawala ni Jesse. Hindi po natin inasahan ang pangyayaring ito, ngunit sa kabila ng ating kaba at pagkabigla nang unang marinig ang balita, ginawa natin ang lahat ng ating magagawa upang mailigtas siya kung papalarin, at kung hindi man, upang mabigyan ng angkop at marangal na pagwawakas ang trahedyang sinapit natin. Habang humahaba po ang panahon, umasa tayo na isang minuto ay darating siya at sasabihing, “Pasensya na kayo, naabala ko kayong lahat sa tagal ng pagdating ko.”
Ngayon po, kaisa ako sa pagluluksa ng sambayanang napagkaitan ng isang tunay na lingkod-bayan. Kung mayroon pong Diyos na nagmamahal sa atin at bukal ng katarungan, sigurado akong kapiling na niya ngayon si Kalihim Jesse Robredo. Nawalan po ng asawa at ama ang kanyang pamilya; nawalan po ang bayan ng isang tapat at mahusay na pinuno. Nawalan po ako ng isang kapatid sa opisyal na pamilya sa Gabinete, ng kasangga sa mga ipinaglalaban, at ng kapartido. Nawalan po ako ng isang mabuting kaibigan.
Sino po ba si Jesse Robredo? Talaga pong huwarang lingkod-bayan si Jesse: nakatuon palagi sa kapwa at handang magsakripisyo. Sa lahat ng mga nakakausap ko, siya ang taong walang kapasepasensya sa bola. Kay Jesse, what you see is what you get. Tahimik at masipag siyang nagtatrabaho. Hindi siya nagpadala sa kapangyarihan. Sa kabila ng naabot niya, nanatiling simple ang kanyang pamumuhay, hindi nalalayo sa karaniwang taong napakalapit sa kanyang puso.
Si Jesse po ang tipo ng tao na batid ang kanyang mga kakayahan at limitasyon. Halimbawa po: sa kantahan. Kadalasan, kung may kasiyahan, kami-kami lang din ang nag-e-entertain sa sarili namin para makatipid. Si Jesse po, hahanap ng mga kasangga para may kasabay siyang kakanta ng chorus, at hindi na siya mag-i-individual performance. Pinakabuo ang kanyang ngiti kapag pasampa na siya sa entablado; tawa po siya nang tawa. Sa dami po ng mga talentadong nagkukumpol-kumpol, nakakapagtaka na halos wala kaming marinig sa mga boses nila bagama’t may mikroponong tangan o hawak.
Dalawa raw po sa paborito niyang kanta ay “My Way” at “Impossible Dream.” Tatak nga po siguro ito ng mga paniniwala niya. Hindi siya naging kuntento sa status quo; pinatunayan niya sa Naga na posible ang pagbabago. Posibleng madaig ang sistemang matagal nang nangingibabaw; posibleng madaig ang mga pulitikong napakatagal namayagpag at kinasangkapan ang pusisyon para sa pansariling interes. Trailblazer po si Jesse sa tuwid na daan. Pinatunayan niyang puwede palang magtagumpay sa pulitika nang hindi nagiging trapo.
Hindi po madali ang pagtahak sa landas na ito, lalo na noong nagsisimula pa lamang siya sa serbisyong pampubliko. Malawak at malalim ang mga pagbabagong inasam niya, at sinimulan niya ito ng hindi nakakatiyak kung may patutunguhan nga bang tagumpay. Katambal ng kanyang mga pangarap ang napakaraming mga praktikal na konsiderasyon, ngunit pinili niyang lumihis sa mga nakasanayang mga pormula sa pulitika. Alam po ito ng mga taong malapit sa kanya: mas pipiliin pa niyang makulong kaysa bumitaw sa mga causa na aming pinaniniwalaan. Nang nasa oposisyon po kami, hindi naman puwedeng suspendihin ganon lang ang mga nasa lehislatura, pero sa katulad niyang Mayor, laging nakabinbin ang banta ng pang-aapi o dineretso ngang inapi na. Mas marami at mas mabigat ang pagtatayang ginawa niya sa kanyang buhay pulitika. Ito pong isyu ukol sa kanyang citizenship, alam naman natin ang motibasyon. Pero hindi siya nagtanim ng galit sa mga nagsampa ng mga paulit-ulit na walang katuturang kasong ito.
Alam po natin ang katotohanan sa pulitika: may ibang nakangiti kapag kaharap mo, pero kung tumalikod ka, pakiramdam mo sasaksakin ka. Napahanga talaga ako ni Jesse, dahil miski ang nagpakita sa kanya ng di-kagandahang ugali, kaya niyang harapin nang walang bahid ng galit at pagkayamot.
Bukod sa mabait, matino, at mahusay si Jesse, mabilis din siyang umaksyon. Lahat, ASAP sa kanya; hindi niya ugaling patagalin sa mesa ang mga magagawa naman ngayon. Kung kayang simulan, sinisimulan agad niya. Naalala ko nga po, minsan may mga informal settler na kailangang ilipat, dahil nakatira sa danger zone sila kapag bumabaha. Nag-text po sa atin na nanghihingi ng tulong at saklolo; kinakabahan sila sa paglilipat, at nagtatanong kung may kabuhayan ba silang daratnan. Kinausap po sila ni Jesse. Matapos ang dalawang oras na meeting, ang mga SOS text, naging thank you text na po. Salamat Jesse!
Iba po talaga si Jesse. Kapag mayroon tayong matinding problemang kinakaharap, palagi naman pong nandiyan ang mga taong sumosuporta at magsasabing, “Nasa likod mo kami.” Pero si Jesse po, kabilang sa mga bibihirang tao na ang sasabihin, “Sir, ako na lang ang haharap, ako na lang ang pu-pronta.” Hindi po nasa likod. Talagang kasama sa pilosopiya niya sa buhay ang hindi maging pabigat sa kapwa; ang palaging mag-ambag ng pinakamalaki niyang maiaambag, o lagpas pa, para makahanap ng solusyon.
Kay Leni, at kina Aika, Tricia, at Jillian: Sa totoo lang, medyo nahihiya ako sa inyo. Kayo ang pamilya; sigurado akong pinakamabigat ang kalungkutang nararamdaman ninyo ngayon. Pero talagang pinapahanga n’yo kami, dahil kayo pa ang nagbibigay ng lakas sa amin, kayo pa ang nagbibitbit sa amin.
Leni, alam mo naman, hindi tayo masyadong nagkakakilala, dahil na rin pinilit ni Jesse na magkaroon siya palagi ng private time kasama ang kanyang pamilya. Alam ng Gabinete ito: Sa hirap ng aming mga pinagdadaanan, ang pinakagantimpala ko po sa kanila ay paminsan-minsan ang pagpapakain ng isang kaaya-ayang hapunan. Pero pag weekend ako nagyaya ng kainan, siguradong magpapaumanhin na si Jesse. Sagrado sa kanya ang oras kasama ang pamilya. Palagi siyang nagmamadaling makauwi sa Naga.
Hindi lang ang mag-anak na Robredo ang nawalan ng Padre de Familia. Pati ang buong DILG, ang mga nagtatrabaho sa field, ang lahat ng natulungan niya, ang buong Naga, parang nawalan ng ama. Kaya nga po bukod sa kalungkutan, matinding panghihinayang din ang nararamdaman ko ngayon. Ang dami niyang mga plano, at talagang kitang-kita na po ang direksyon ng mga reporma. Namuno siya sa pagpapa-totoo ng mga teorya sa pamamahala na pinag-uusapan lang sa mga libro. Ginawa po niya iyan sa Naga, at iyan din po ang nasimulan na niyang gawin sa pambansang antas. Kayo na po ang mamili– sa Bureau of Fire Protection, kung saan nakakuha siya ng mga fire trucks na mas mura pero mas maganda ang kaledad at mas marami ang kakayahan; sa BJMP; sa PNP; pati na ang mga informal settlers. Maraming mga lumang problema na, sa tulong ni Jesse, sa wakas, ay nakikitaan na natin ng solusyon. Sayang po talaga.
Ngunit wala naman sigurong magsasabing may kulang pa sa mga inambag ni Jesse. Dapat po yata, tayong mga nakinabang sa kanyang buhay at pagsusumikap, ang tumumbas sa kanyang mga nagawa, at mag-ambag naman ng parte natin.
Naalala ko pa po ang mga agam-agam namin nang biglaan ding pumanaw ang aking ama noong taong 1983. Marami po sa amin ang nagtanong: Paano na tayo? Sino ang magtutuloy? Parang ligaw na ligaw po kami; nawala ang aming pinuno.
Pero sabi nga po ng aking ina, “If cowardice is infectious, then bravery is all the more infectious.” Ang nag-iisa, dumami nang dumami hanggang nakamit na nga ng buong bayan ang pagbabago. Hindi mauubusan ng mga bayani ang lahing Pilipino. At kung si Jesse ay isa sa mga naging bunga ng sakripisyo ng aking ama, sigurado po akong may ibubunga ring mga bagong bayani ang pagpanaw ni Jesse.
Sa ipinapakitang pagpupugay at pagmamahal ng taumbayan ngayon, sigurado ako, may isang henerasyon na naman ng mga Pilipinong mabibigyang-inspirasyon, at mahihimok na maglingkod sa ngalan ni Jesse. Sila po ang magdadala ng katiyakan: Katiyakang makikita natin ang plano ng Diyos sa likod ng pagkawala ni Jesse. Katiyakang makukuha natin ang gantimpala ng katarungang nagbubukal sa pagmamahal ng Diyos: Na lahat ng kagandahan at kabutihang naidulot at naipunla ni Jesse, ay tunay at buong-buong mapipitas dahil sa dulot niyang inspirasyon.
Ang sabi po sa pangalawang liham ni Paul to Timothy, Chapter 4, Verses 6 to 7: “For I am now ready to be offered, and the time of my departure is at hand. I have fought a good fight, I have finished my course, I have kept the faith…” Angkop na angkop po ito kay Jesse; mission accomplished na siya sa mundong ito. Marapat lang na matamasa na niya ang mga gantimpala ng isang buo at mabuting buhay, sa piling ng Diyos Ama. Nasa hanay na po si Jesse ng mga bayaning sumusubaybay sa atin mula sa kalangitan, at nagbibigay-lakas sa atin upang ipagpatuloy ang kanilang mga mabuting gawain. Kaya’t huwag na po tayong lumuha. Sa halip, magpasalamat tayo. Sa maikling panahong narito siya sa mundo, tayo pa ang nabiyayaan ng pagkakataong makapiling si Jesse Manalastas Robredo. [Applause]
Paalam, Jesse. Sa ngalan ng sambayanan maraming, maraming salamat.